Ilang Pinoy abroad, dumidiskarte para maiahon mga negosyo sa gitna ng pandemya
ABS-CBN News | Posted at Mar 31 2021 05:47 PM | Mye Mulingtapang
Patuloy na hinaharap ng mga negosyanteng Pilipino sa ibang bansa ang takot at naglalakas-loob ituloy ang nasimulang negosyo o di kaya naman ay pumasok sa bagong pagkakakitaan sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa Switzerland, pansamantalang nagsara ang sushi restaurant ni Dennis Lunar sa Basel. Dahil sa ipinatutupad na health protocols, nakaisip siya ng ibang negosyo.
“Because sarado kami so wala akong choice so I have to step up and think ng ibang way how to earn money, and ayun, naisipan ko nga from tocino, longganisa and then came up the hotdog. Ayun, awa ng Diyos, naging successful naman siya,” sabi in Lunar.
Inabot ng tatlong buwan bago nailabas ni Lunar ang kauna-unahang hotdog sa Switzerland dahil kailangang pumasa ito sa Swiss quality control at European standards.
Agad namang tinangkilik ang produkto ni Lunar ng mga Pinoy, bata man o matanda, pati na rin sa mga kalapit na bansa gaya ng Italy, Austria at Germany.
“Marami akong napasayang Pilipino dahil inilapit ko sa kanila ang Pilipinas kasi nga lockdown walang makauwi na mga OFWs,” sabi niya.
Dahil sa tagumpay ng bagong negosyo, magkakaroon na rin ng production area si Lunar sa Germany.
Tip ni Lunar, maaaring magsimula sa anumang negosyo maliit man o malaki ang kapital. Ang mahalaga ay buo ang loob sa papasuking negosyo.
“Kahit saang sulok tayo ng mundo makarating, ang tandaan lang natin magtiwala sa sarili and huwag panghinaan ng loob,” sabi niya.
Sa Spain, isa ang negosyo ni Jake Maravillas sa Madrid na hindi gaanong naapektuhan ng pandemya.
Naging madalang man ang pagpasok ng kliyente sa pagsisimula ng lockdown sa Spain, hindi naging problema dahil sa mga suking kliyente ni Maravillas.
“Because of my 20 years in service, mayroon na akong consolidated clients so sila talaga ‘yung nagsuporta sa akin during, well, right after the lockdown,” sabi ni Maravillas. Mahalaga para kay Maravillas ang health and safety ng kaniyang kliyente.
“Talagang one-on-one lang ako sa kliyente, very personalized ang service ko sa kliyente so by that, secured ang mga kliyente,” sabi niya.
Ang negosyanteng si Rhea Topacio naman ng The Netherlands, ginamit ang oras habang nasa lockdown para paunlarin ang kaniyang mga produkto at negosyo.